Friday, April 20, 2007

BAYAN SORSOGON KINONDENA ANG PAGPASLANG KAY WILLY JERUS



Bagong Alyansang Makabayan
Sorsogon City
Pahayag Sa Media
Abril 17, 2007

Hinggil sa Pagpaslang kay Willy Jerus

Ipinaaabot ng Bagong Alyansang Makabayan sa mamamayan ng Sorsogon ang mariing pagkondena nito sa walang katwiran at walang pakundangang pagpaslang kay Willy Jerus.

Ipinaaabot din namin ang taos-posung pakikiramay sa mga naulila ni Willy.

Si Willy Jerus, miyembro ng Samahang Magsasaka ng Sorsogon (SAMASOR-KMP) at BAYAN, a binaril sa loob ng kanilang bakuran habang nagdidilig ng halaman.

Isang buhay na naman ang kinitil kahapon ng umaga, sa ilalim ng kontra-insurhensyang programa ng Oplan Bantay Laya II ng rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo. Ang lugar na pinagyarihan ng pamamaslang ay katabi lang ng pansamantalang opisina ng Pamahalaang Lunsod ng Sorsogon.

Kaugnay nito, nais naming linawin ang pagtatangka ng ilang tao at personalidad na idugtong at isangkot ang pagkamatay ni Willy sa armadong tunggalian sa pagitan ng NPA at AFP-PNP.

Walang kinalaman si Willy at ang organisasyong kinabibilangan niya sa nagaganap na gera dito sa ating lalawigan. Ang pagpapaslang kay Willy ay usapin ng isang gobyernong ayaw kumilala at gumalang sa karapatang pantao at kalayaang sibil ng mamamayan; at usapin ng isang gobyernong marahas na sumusupil ng mga taumbayang nagsasabuhay ng karapatang pantao at kalayaang sibil. Hindi kalahok si Willy at ang kanyang organisasyon sa armadong paglaban ng NPA sa AFP-PNP.

Sagadsarin, malisyoso at mapanganib ang pagpapalagay na ang mamamayang umaanib sa mga legal at demokratikong organisasyong tumutuligsa sa kabulukan at karahasan ng naghaharing rehimen ay gawing lehitimong target ng mga sundalo at pulis. Ang pagpapalagay na ito, ay pagsang-ayon sa walang habas na pamamaslang ng mga aktibista at progresibo. Ang pagpapalagay na ito ay pagsang-ayon sa napakalulubha at napakaraming paglabag sa mga karapatang pantao at kalayaang sibil ng mamamayang Pilipino. Ang pagpapalagay na ito ay pagtatakwil sa pag-iral ng demokrasya at katarungan sa lipunang Pilipino.

No comments: