Friday, May 11, 2007

CARAVAN NG MGA PROGRESIBONG PARTYLIST MAINIT NA SINALUBONG NG MGA BILOKANO

BAYAN MUNA - ALBAY

PRESS STATEMENT
May 10, 2007

Caravan ng mga Progresibong Partylist:
Mainit na Sinalubong ng Mamamayang Bikolano
at Sinuportahan ng mga Lokal na Pulitiko

Noong Abril 30, 2007, umarangkada sa buong rehiyong Bikol ang magkakapanabay ng provincial caravan ng mga progresibong partylist. Libu-libong mga kasapi ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela Women’s Partylist, Kabataan at Suara Bangsamoro Partylist, mga militanteng organisasyon at suportador ang sumama at nakiisa sa kampanyang kinatampukan ng mga talumpati, pangkulturang pagtatanghal at film showing.

Sa bawat inikutang munisipyo at mga barangay, ipinakita ng mga lokal na kandidato ang maiinit na pagtanggap sa limang progresibong partylist. Patunay ito na ang pulitika ng pagbabago ay kinikilala at sinusuportahan kahit ng mga tradisyunal na pulitiko.

Ang mga lokal na kandidato na nagtataguyod sa mga prinsipyo, progama, at adhikain ng mga progresibong partylist ay tuluy-tuloy na makakasama ng limang progresibong partylist sa mga aktibidad nito – kampanya, paglaban sa mga anti-mamamayang patakaran ng gubyernong Arroyo, pagkundena sa pampulitikang panggigipit at pamamaslang, pagbantay sa boto, at pagbunyag sa pandaraya sa eleksyon.

Malisyoso ang bintang at pag-ugnay ng AFP at PNP sa suporta ng mga lokal na kandidato sa limang progresibong partylist sa pagbayad diumano ng ”permit to campaign fee.” Walang ibang layunin ito kundi takutin ang mamamayan, i-harass ang mga lokal na pulitiko at mga opisyal ng barangay, at bigyang katwiran ang pananalakay sa hanay ng mga progresibong partylist at militanteng organisasyon.

Ngunit tulad sa nakaraang halalang 2001 at 2004, tiyak na mabibigo ang AFP-PNP at Malakanyang na pigilan ang tagumpay ng pulitika ng mamamayan, ang pulitika ng pagbabago.#

Reference:
Policarpo Baraquiel
Provincial Chairman, Bayan Muna-Albay

No comments: