Kinukundena ng BAYAN-Sorsogon ang pag-aresto sa sampung magsasaka ng Hacienda Peralta kahapon bandang alas onse ng umaga sa Brgy. Pangpang, Sorsogon City sa kasong paglabag sa Seksyon 73 ng RA 6657 o CARP Law na isinampa ng mga Peralta laban sa mga magsasaka.
Ang labang ito ng mga magsasaka sa Hacienda Peralta ay nagsimula ng ang kaperasong lupain na pinagsikapan nilang maging produktibo ay angkinin nina Vicente Peralta Jr. at Enrique Peralta at sampahan sila ng kasong illegal entry o trespassing. Ngunit ito’y napagtagumpayan taong 1994 nang ideklara ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang lupa bilang bahagi ng nakapailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng gobyerno. Nagpapatunay lamang na pampublikong lupa ang bahaging iyon ng Hacienda Peralta na dapat nang ipamahagi sa mga benepisyaryong magsasaka.
Sa kabila nito pilit paring inaangkin ng huli ang nasabing lupain. Kasabwat ang DAR muling binuhay ang kasong matagal ng naresolba. Malinaw na pandarahas at panlilinlang lamang ito sa mga magsasaka upang mapasakamay ng panginoong may lupa (Peralta) ang lupaing dapat sana’y pag-aari na ng mga magsasaka. Kasangkapan ng DAR at ng mga Peralta ang kriminalisasyon sa kasong agraryong ito upang tuloy-tuloy na dahasin ang mga magsasaka.
Sa ganitong kalagayan, ipinapakita lamang ang kainutilan ng DAR upang proteksyunan at bigyang seguridad ang ating mga magsasaka sa usapin ng reporma sa lupa. Bagkus ay nagsisilbi lamang ang ahensyang ito pabor sa mga panginoong may lupa. Bigo rin ang CARP na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at nagagamit lamang din ito ng mga panginoong may lupa gaya ng mga Peralta para sa kanilang interes.
Kung kaya’t mahigpit ang panawagan na Palayain ang Peralta 10 at usigin at papanagutin ang DAR sa pakikipagsabwatan nito sa mga Peralta. Marapat din na ipagpatuloy ang laban sa pagsasabatas ng tunay na reporma sa lupa at tuluyang pagbasura sa huwad na CARP. Ito ang tunay na sagot sa matagal ng problema ng masang magsasaka.
No comments:
Post a Comment